Tuesday, December 18, 2007

Pagbisita ng isang OFW sa Honda Bay


Isang napakagandang pook ang Palawan: tahimik, malinis ang kapaligiran, maraming sariwang lamang-dagat na maaaring kainin. Kahit sino'y siguradong matutuwang bumisita sa Palawan.

Isa sa mga nakapagliwaliw na sa Palawan ang kababayan nating si May Cabrera, na nagtatrabaho bilang accountant sa isang kumpanya ng mga pabango sa Doha, Qatar. Dahil adventurous, mahilig siyang pumunta sa mga malalayong lugar kahit pa sa mga islang para marating ay kailangang tumawid sa dagat.

Nasa Pilipinas pa lang si May ay mahilig na siyang maglakbay. Nakapunta na siya sa Boracay, sa Tagaytay at sa Sicogon Island na malapit sa Estancia, Iloilo. Gusto kasi niyang makita ang kagandahan ng Pilipinas kaya siya pumupunta sa iba't ibang lugar sa ating bansa.

At hindi naman siya nadismaya sa pagbisita niya sa Honda Bay sa Palawan kasama ang katrabaho niyang tagaroon.

"Nung nagbakasyon ako roon last March, kasama kong umuwi yung kasamahan kong Pilipina na nagtatrabaho din dito sa Doha. Nakatira siya sa Palawan malapit sa Sta. Lourdes. Nabanggit niya sa akin na malapit daw sila sa Honda Bay Island," ani May.

Tuwang-tuwa raw siya nang malaman ito at sabi niya sa sarili niya ay di ko sasayangin ang pagkakataong mapuntahan ang Honda Bay Island, na mga 30 minuto lang ang layo sa lugar ng kasamahan.

"Nung nakarating kami dun nagulat ako . Napakagandang lugar, puting buhangin, malinis at sa gitna ng dagat, makikita mo ang asul na kulay ng tubig," kuwento niya.

Ayon pa kay May, nakakarelax ang lugar. Pagdating pa lang nila ay naglaro na agad siya sa buhanginan at nagbabad sa dagat. Noong dapit-hapon daw ay binantayan pa niya ang paglubog ng araw. "Napakaganda. Parang ang sarap tumira doon, sayang nga lang at napakaikli ng bakasyon ko," sabi pa ni May.

Ang Honda Bay ay nasa Barangay Sta. Lourdes sa Puerto Princesa City. Dito'y may mga naliliit na pulo na may magagandang beaches at shallow reefs. Marami ang natutuwang mag-swimming, snorkelling, at diving dito.

Ayon sa Department of Tourism website, kabilang sa mga isla sa Honda Bay ang Cannon (Cowrie) Island, Bat Island, Lu-Ii Island (mula sa salitang "lulubog-lilitaw", dahil nakikita lang ito kapag hibas o low tide), Meara Marina, Starfish Island (na kilala sa pinong mapuputing
buhangin na maraming starfish), Snake Island (na may mahabang baybaying hugis dagat), Pandan Island, at Senorita Island (na pangitlugan ng mga isdang Lapu-lapu). Sa mga gustong mag-overnight, may mga matutuluyang resort sa Meara Marina at Starfish (gaya ng
Sandbar Resort).

Nakapasyal din sina May sa St. Paul National Park, sumakay sa bangka at dumaan sa under ground river. Marami pa aniyang mapapasyalan sa Palawan gaya ng Bat Island, Turtle Island at hot springs katulad ng Kim Hot Spring."

Dagdag pa ni May, kung ikukumpara ang Pilipinas sa ibang mga bansa, mas maganda talaga ang ating bayan dahil maraming mga magagandang tanawing maaaring makita rito.

Iba talaga ang Pilipinas. Kung matutuklasan mo lang ang mga magagandang lugar dito sa atin gaya ng Palawan, hinding-hindi ka manghihinayang kapag napuntahan mo ang mga ito.

1 comment:

aldrin1845 said...

HELLO PALAWAN, PHILIPPINES...

impressive experienced and i am so proud to be a palawenyo.

anyway my dear blog author, i just wanna suggest to make the layout something bright in color koz i find it hard to read the post.

thanks.


from:
doha, qatar